Makakaranas ng halos maghapon na power interruption ang ilang lugar sa mga lalawigan ng Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, at Maguindanao del Sur ngayong Linggo, June 28.
Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines o NGCP, magsisimula ang nakatakdang brownout alas-6:30 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon sa mga lugar na sakop ng MAGELCO, kabilang ang Rajah Silongan Kudarat, Salbu, at Talayan substations.
Samantala, mula alas-6:30 ng umaga hanggang alas-8:00 ng umaga at muling alas-4:00 ng hapon hanggang alas-5:00 ng hapon ang power interruption sa Capiton Substation ng MAGELCO.
Mawawalan din ng suplay ng kuryente mula alas-6:30 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali ang mga lugar na sakop ng SUKELCO, kabilang ang Dansuli, Dukay, at Isulan substations.
Paliwanag ng NGCP, isasagawa ang shutdown ng Tacurong–Datu Saudi Ampatuan 69-kilovolt transmission line upang bigyang-daan ang nakatakdang line repair.
Nagpaalala rin ang NGCP na magkakaroon ng panandaliang pagkawala ng kuryente bago at matapos ang maintenance dahil sa paglilipat ng electrical load, habang ang eksaktong mga apektadong lugar ay tutukuyin ng kani-kanilang electric cooperative.
Tiniyak naman ng NGCP na gagawin nito ang lahat ng hakbang upang maibalik ang suplay ng kuryente sa lalong madaling panahon o ayon sa itinakdang iskedyul.

















