Arestado ang dalawang tinaguriang High Value Individuals (HVI) matapos masamsam ang hinihinalang shabu sa ikinasang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Basak Malutlut, Marawi City, bandang 11:00 ng gabi noong Hunyo 18, 2026.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Yas,” 46-anyos,may asawa, negosyante, residente ng Brgy. Camalig Poblacion, Marantao, Lanao del Sur, at alyas “Ibs,” 46-anyos,may asawa, technician, residente ng Brgy. Pandi a Ranao, Tugaya, Lanao del Sur.
Batay sa ulat, isinagawa ang operasyon ng pinagsamang pwersa ng Marawi City Police Station–City Drug Enforcement Unit (CDEU), Alert Team Bravo, at 42nd Mechanized Infantry Company ng 4th Mechanized Battalion ng Philippine Army, sa ilalim ng Pre-Operation No. 15-00-06182026-006.
Naganap ang transaksyon sa loob ng isang bahay sa naturang barangay kung saan nakipag-deal ang poseur-buyer sa isa sa mga suspek. Matapos maiabot ang buy-bust money at makuha ang iligal na droga, agad nagbigay ng senyas ang operatiba na naging hudyat ng pag-aresto sa mga suspek.
Nasamsam sa operasyon ang kabuuang 14.9 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P101,320.00. Kabilang dito ang tatlong heat-sealed plastic sachet (buy-bust item) na may bigat na 13.4 gramo na nagkakahalaga ng P91,120.00, at limang sachet (possession) na may 1.5 gramo na nagkakahalaga ng P10,200.00.
Nakumpiska rin ang isang tunay na P500 bill na may serial number AP8440293 at 25 pirasong photocopied P1,000 bills na ginamit bilang buy-bust money.
Agad na ipinaalam sa mga suspek ang kanilang mga karapatang konstitusyonal sa wikang nauunawaan nila.
Isinagawa rin ang imbentaryo ng mga ebidensya sa presensya ng kinatawan ng Department of Justice na si Mr. Sihawi Y. Macauayag at lokal na opisyal na si Hon. Mohammad Jamsid L. Arobinto.
Dinala ang mga suspek at mga nakumpiskang ebidensya sa Marawi City Police Station para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

















