Isang hindi pa nakikilalang bangkay ng lalaki ang natagpuan sa Ilog Pulangi sa Sitio Minanga, Barangay Nabundas, Malidegao, SGA-BARMM, bandang alas-12:00 ng tanghali nitong Hulyo 4, 2026.
Ayon sa ulat, bandang alas-1:00 ng hapon ay nakatanggap ng tawag ang Malidegao Municipal Police Station (MPS) mula sa isang concerned citizen hinggil sa pagkakadiskubre ng bangkay. Agad namang rumesponde ang mga pulis at dumating sa lugar bandang alas-1:30 ng hapon upang beripikahin ang insidente.
Sa isinagawang paunang imbestigasyon, pinaniniwalaang inanod ng malakas na agos ng ilog ang bangkay mula sa mas malaking sistema ng ilog na nagmumula sa mga bayan ng Carmen o Kabacan, dahil natagpuan ito sa pinagsasaniban ng mga pangunahing ilog.
Nakasuot ang biktima ng itim na underwear, berdeng T-shirt, at itim na cargo pants. Sa isinagawang scene processing ng SOCO Team, napag-alamang nasa advanced stage of decomposition na ang bangkay. Wala ring nakuhang anumang identification card o personal na gamit na makatutulong sa pagkilala sa pagkakakilanlan ng nasawi.
Agad na siniguro ng mga tauhan ng Malidegao MPS ang lugar at humingi ng tulong sa SOCO Team upang magsagawa ng masusing scene processing at forensic examination sa bangkay.
Matapos ang dokumentasyon at pagsusuri, isinailalim sa kustodiya ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Malidegao ang bangkay para sa kaukulang disposisyon. Dahil sa matinding pagkabulok ng labi at kawalan ng anumang pagkakakilanlan, nagpasya ang MDRRMO na ilibing ang bangkay matapos itong pormal na tanggapin.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima at ang sanhi ng kanyang pagkamatay.

















