Naghain ng petisyon sa Commission on Elections (COMELEC) si Haron Suraik Budzal upang hilingin ang diskwalipikasyon ng tatlong nominado ng Bangsamoro Federalist Party (BFP) para sa 2026 Bangsamoro Parliamentary Elections.
Kabilang sa mga pinapadiskwalipika sina BFP first nominee Suwaib L. Oranon, kasama sina Dan S. Asnawie at Mohidin M. Usman.
Sa petisyon, sinabi ni Budzal na umano’y nananatili pa ring miyembro ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP) ang tatlong respondents kahit naghain na sila ng nominasyon sa ilalim ng BFP.
Ayon pa sa reklamo, posibleng lumabag umano ang mga ito sa probisyon ng Bangsamoro Electoral Code kaugnay ng tinatawag na “double membership” o sabay na pagiging miyembro ng dalawang political party, gayundin sa pagbabawal sa pagpapalit ng partido anim na buwan bago ang nominasyon.
Iginiit din sa petisyon na wala umanong naipakitang pormal na resignation ang tatlong respondents mula sa UBJP bago sila nanumpa bilang miyembro ng BFP.
Sa ngayon, hinihintay pa ang magiging tugon ng mga nasabing respondents at ang aksyon ng COMELEC kaugnay sa inihaing reklamo.
















