Arestado ang isang high-value target na sangkot umano sa ilegal na droga sa isinagawang joint anti-drug operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office 13 – Agusan del Sur Provincial Office at San Francisco Municipal Police Station nitong Lunes ng hapon, Mayo 18, 2026.

Isinagawa ang buy-bust operation bandang 3:46 ng hapon sa Purok 2A, Barangay 5, San Francisco, Agusan del Sur kung saan matagumpay na nahuli ang suspek.

Nakumpiska mula sa suspek ang tinatayang limang gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug value na umaabot sa Php34,000.00. Narekober din ng mga operatiba ang buy-bust money at isang cellular phone na pinaniniwalaang ginamit sa ilegal na transaksyon.

Mahaharap ang naarestong indibidwal sa kasong paglabag sa Section 5 o Sale of Dangerous Drugs sa ilalim ng Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, as amended.

Ayon sa mga awtoridad, ipinakita ng matagumpay na operasyon ang matibay na koordinasyon at pagtutulungan ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno laban sa ilegal na droga. Binigyang-diin din nila ang mahalagang papel ng mga lokal na pamahalaan at ng komunidad sa pagpapatibay ng kampanya kontra droga.

Pinuri naman ni PDEA Regional Director Laurefel P. Gabales ang operating teams dahil sa kanilang dedikasyon at propesyonalismo sa pagsasagawa ng operasyon.

Aniya, patunay umano ang nasabing accomplishment na mahalaga ang pagkakaisa ng law enforcement agencies, local government units, at mamamayan upang mapanatili ang ligtas at maayos na komunidad.

Nanawagan din si Gabales sa mga indibidwal na sangkot pa rin sa ilegal na droga na sumuko at samantalahin ang mga rehabilitation at reformation programs ng pamahalaan upang makapagsimulang muli.

Samantala, tiniyak ng PDEA Caraga na ipagpapatuloy nito ang mas pinaigting na intelligence-driven operations at pakikipagtulungan sa mga lokal na stakeholder upang tuluyang mabuwag ang mga drug network sa rehiyon at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa mga komunidad.