Nakiisa ang Maguindanao del Norte Police Provincial Office o MDNPPO sa isinagawang Community-Based Conflict Settlement bilang bahagi ng patuloy na pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya upang maibalik ang kapayapaan at kaayusan sa bayan ng Kadayangan sa Special Geographic Area ng BARMM.

Isinagawa ang pagtitipon bandang alas-1:00 ng hapon kahapon July 6 sa kampo ng 33rd Infantry (Makabayan) Battalion ng 6th Infantry “Kampilan” Division sa Barangay Salunayan, Midsayap, Cotabato.

Layunin ng dayalogo na maresolba ang hidwaan sa pagitan ni Barangay Central Labas Chairperson Hon. Nacil Guintem at ni Noraisa Madendog, kaugnay ng kamakailang insidente ng palitan ng putok sa naturang barangay.

Pinangunahan ang isinagawang conflict settlement ni Brigadier General Ricky P. Bunayog, Commander ng 602nd Infantry Brigade, na nangasiwa rin sa mga naging pagdinig at talakayan.

Bunga ng dayalogo, nagkasundo ang mga kinatawan ng Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, Ad Hoc Joint Action Group (AHJAG), MILF Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (CCCH), lokal na pamahalaan ng Kadayangan, at 33rd Infantry Battalion na magsagawa ng magkasanib na imbestigasyon upang matukoy ang mga responsable sa insidente at matiyak na maihaharap sila sa hustisya.

Ayon sa MDNPPO, patunay ang naturang hakbang ng matatag na koordinasyon ng mga mekanismo ng kapayapaan at seguridad upang maiwasan ang paglala ng mga lokal na sigalot, mapanatili ang katahimikan sa komunidad, at higit pang mapalakas ang tiwala ng publiko sa mga institusyon ng pamahalaan.