Pinalakas ng 6th Infantry (Kampilan) Division o 6ID ang operational readiness ng mga tropa nito matapos isagawa ang ceremonial turnover ng mga serviceable mobility assets at refurbished service firearms sa Division Headquarters, Camp Siongco, Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte nitong Agosto 12.

Pinangunahan ni Brigadier General Ricky P. Bunayog, Acting Commander ng 6ID at Joint Task Force Central, ang turnover ng mga kagamitan sa mga subunit ng dibisyon.

Kasama sa seremonya sina Col. Manuel Leo Q. Gador, Chief of Staff ng 6ID; Lt. Col. Marlon F. Reyes II, Assistant Chief of Staff for Logistics o G4; at Lt. Col. Jeffrey V. Caro, Commanding Officer ng 12th Forward Service Support Unit ng Philippine Army, na pormal na tumanggap sa mga assets.

Sumailalim muna sa maintenance at refurbishment ang mga mobility assets at service firearms upang matiyak na maayos, maaasahan at agad na magagamit ng mga sundalo sa kanilang mga tungkulin.

Isinagawa rin ang pagbabasbas sa mga kagamitan para sa proteksyon at gabay ng mga sundalong gagamit nito sa kanilang mga operasyon.

Binigyang-diin ni Bunayog ang kahalagahan ng pagpapanatiling serviceable ng mga kagamitan dahil nakatutulong ang mga ito sa mabilis na pagkilos ng mga tropa, mas episyenteng operasyon at epektibong pagtupad sa mga misyon.

Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng maayos at handang gamiting mobility at firepower assets, layunin ng 6ID na higit pang mapalakas ang kahandaan ng mga yunit nito sa pagsasagawa ng security at peace-support missions sa kanilang area of responsibility.