Inilabas na ng Commission on Elections (COMELEC) ang opisyal na kalendaryo ng mga aktibidad para sa nakatakdang 2026 Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Parliamentary Elections.

Ayon sa anunsyo, magsisimula ang mahahalagang paghahanda sa Abril 6, 2026, na siyang huling araw ng paghahain ng mga petisyon para sa rehistrasyon at akreditasyon ng mga regional parliamentary political parties, koalisyon, at sektoral na organisasyon.

Samantala, itinakda naman ang Abril 29, 2026 bilang huling araw ng pagdaraos ng mga party convention ng mga rehistradong partido at koalisyon. Susundan ito ng paghahain ng Certificates of Candidacy (COC) mula Mayo 5 hanggang Mayo 7, 2026 para sa mga kandidatong lalahok sa halalan.

Ipatutupad ang election period at gun ban mula Hulyo 16 hanggang Setyembre 29, 2026 upang matiyak ang seguridad ng halalan. Magsisimula naman ang campaign period sa Hulyo 30 at magtatapos sa Setyembre 12, 2026.

Sa bisperas ng halalan, Setyembre 13, 2026, mahigpit na ipagbabawal ang pangangampanya at ipatutupad ang liquor ban. Ganito rin ang patakaran sa mismong araw ng halalan sa Setyembre 14, 2026.

Pagkatapos ng eleksyon, ang huling araw ng paghahain ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) ay itinakda sa Oktubre 14, 2026.
Hinihikayat ng COMELEC ang publiko, lalo na ang mga botante sa BARMM, na makiisa at maging handa sa nalalapit na halalan upang matiyak ang isang malinis, maayos, at mapayapang proseso ng pagboto