Tatlo ang nasawi habang lima naman ang nasugatan sa pamamaril na naganap sa loob ng San Jose National High School sa Barangay San Jose, Tacloban City, Leyte, dakong alas-9:00 ng umaga ngayong Lunes, June 22.
Ayon sa Police Regional Office 8 (PRO-8), agad na rumesponde ang mga tauhan ng Tacloban City Police Office (TCPO) upang kontrolin ang sitwasyon at tiyakin ang kaligtasan ng mga estudyante, guro, at iba pang nasa loob ng paaralan.
Sa paunang imbestigasyon, kinumpirma ng pulisya na tatlong katao ang nasawi habang lima pa ang nagtamo ng sugat. Agad namang dinala sa mga kalapit na pagamutan ang mga biktima upang mabigyan ng kinakailangang medikal na atensyon.
Nasa kustodiya na rin ng mga awtoridad ang isa sa mga suspek matapos itong maaresto kasunod ng insidente. Samantala, nagpapatuloy ang follow-up at manhunt operations laban sa isa pang suspek na nananatiling nakatakas.
Patuloy namang iniimbestigahan ng TCPO ang pinagmulan at motibo ng pamamaril upang matukoy ang buong pangyayari sa likod ng insidente.
Tiniyak ng PRO-8 na ginagawa na ang lahat ng kinakailangang hakbang upang agad na maaresto ang natitirang suspek at mapanatili ang seguridad sa lugar. Nagdeploy na rin ng karagdagang pwersa ng pulisya sa paligid ng paaralan upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante, guro, mga magulang, at ng komunidad.
Nanawagan din ang pulisya sa publiko na manatiling kalmado at iwasang magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

















