Patay ang isang karpintero matapos itong pagbabarilin ng dalawang armadong lalaki sa harap mismo ng bahay ng kanyang kamag-anak sa Sitio Little Cebu, Barangay Maganda, Lamitan City, nitong gabi ng Linggo, Hulyo 5.

Kinilala ni Lamitan City Police Chief PLTCOL Elmer P. Solon ang biktima na si Omar Usman, residenteng Mohammad Ajul, Basilan. Ayon sa inisyal na imbestigasyon, kadarating lang ng biktima sa lungsod upang magtrabaho sana sa konstruksyon kinabukasan.

Pagkababa pa lamang nito sa isang passenger tricycle ay bigla na itong nilapitan ng mga suspek at malapitang pinaputukan bago tumakas sakay ng isang pulang Honda Beat na walang plaka.

Idineklara ng mga doktor na dead on arrival sa ospital ang biktima dahil sa mga natamong gunshot wounds sa leeg at dalawang kamay. Narekober ng pulisya sa crime scene ang apat na basyo ng bala mula sa .45-caliber pistol habang agad namang iniuwi ang labi ng biktima sa kanyang bayan upang mailibing alinsunod sa tradisyong Muslim.

Kasalukuyan nang nagsasagawa ng hot pursuit operation at malalim na imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin at ang motibo sa krimen.