Nasabat ng mga operatiba ng Philippine Coast Guard ang tinatayang P13.4 milyong halaga ng mga pinaniniwalaang smuggled cigarettes sa isinagawang operasyon sa Barangay Mambayaan, Balingasag, Misamis Oriental.

Ayon sa ulat, rumesponde ang Coast Guard District Northern Mindanao sa isang report kaugnay ng umano’y ilegal na kargamento noong June 12, katuwang ang iba pang law enforcement units sa rehiyon.

Sa operasyon, nakumpiska ang humigit-kumulang 336 kahon ng mga sigarilyong may tatak na Canon at Green Hills na pinaniniwalaang ipinasok sa bansa nang walang kaukulang dokumento. Nasamsam din ang dalawang Toyota Innova na hinihinalang ginamit sa transportasyon ng mga kontrabando.

Matapos ang imbentaryo at dokumentasyon, pormal na isinuko sa Bureau of Customs Region X ang mga nakumpiskang sigarilyo at sasakyan noong Hunyo 15 para sa kaukulang imbestigasyon at legal na proseso.

Ayon sa Philippine Coast Guard, bahagi ang operasyon ng kanilang pinaigting na kampanya laban sa smuggling at iba pang uri ng iligal na kalakalan sa ilalim ng iCARE program.