Binaril at napatay ang isang 30-anyos na lalaki ng hindi pa nakikilalang suspek sa Sitio Manampan, Barangay Batulawan, Malidegao, Special Geographic Area o SGA, BARMM kagabi, Setyembre 10.
Kinilala ang biktima na si Ralphzan Tayuan Pilas, residente ng Poblacion, Datu Piang, Maguindanao del Sur, na nagtamo ng maraming tama ng bala sa ulo, likod at balikat.
Isinugod ang biktima sa Cruzado Medical Hospital ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician.
Narekober naman sa crime scene ang dalawang slug at anim na fired cartridge cases na pinaniniwalaang mula sa .45-caliber na baril.
Nagsagawa ng hot pursuit operation ang Malidegao MPS kasama ang 1405th MFC, RMFB 14-A at 42nd SAC ng PNP-SAF, habang nakipag-ugnayan din sa mga kalapit na pwersa para sa posibleng pagkakaaresto sa suspek.
Samantala, agad na kinuha ng pamilya ang labi ng biktima alinsunod sa kaugalian at tradisyong Islam.
Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang motibo sa pamamaril at makilala ang responsable sa insidente para sa kaukulang legal na aksyon.

















