Malubhang nasugatan ang isang 50-anyos na lalaki matapos tagain ng hinihinalang suspek sa Purok 7, Brgy. Sinakulay, President Quirino, Sultan Kudarat bandang alas-2:00 kaninang madaling araw, April 17, 2026.
Kinilala ang biktima na si alyas Reynaldo, isang magsasaka at residente ng nasabing lugar. Ayon sa ulat, nagtamo siya ng malalalim na sugat sa leeg at naputulan ng kaliwang kamay dulot ng pananaga.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, tinukoy ang suspek na isang alyas Kulot, tinatayang 30-anyos, single, at pansamantalang naninirahan din sa lugar. Matapos ang insidente, agad itong tumakas patungo sa hindi pa matukoy na direksyon.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang naputol na kamay ng biktima, habang agad naman itong isinugod sa Sultan Kudarat Provincial Hospital para sa agarang gamutan.
Ayon sa pulisya, nagsasagawa na ng hot pursuit operation ang mga operatiba upang matunton at maaresto ang suspek, habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

















