Sugatan ang isang 41-anyos na lalaki matapos umanong pagtatangkaang patayin ng isang suspek sa Brgy. Biaba Damag, Marawi City, dakong alas-6:30 ng gabi noong Hunyo 3, 2026.

Kinilala ang biktima sa alyas na Ansary, may asawa, drayber, at residente ng Brgy. Payawan, Baloi, Lanao del Norte.

Ayon sa ulat ng Marawi City Police Station (MCPS), nakatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen bandang alas-6:58 ng gabi hinggil sa naganap na kaguluhan sa lugar. Agad namang rumesponde ang mga pulis sa pangunguna ni PLTCOL Muhiddin G. Pagayawan, Chief of Police, alas-7:00 ng gabi at dumating sa pinangyarihan alas-7:06 ng gabi.

Pagdating ng mga awtoridad, natagpuan nila ang biktima na may sugat sa ulo. Agad itong isinugod sa Amai Pakpak Medical Center (APMC) upang mabigyan ng agarang lunas.

Batay sa paunang imbestigasyon, may kaugnayan umano ang insidente sa naunang alitan sa pagitan ng suspek at mga bayaw ng biktima sa alyas na Huss at Padi.

Lumabas sa imbestigasyon na umano’y sinalakay ng suspek ang magkapatid sa Iligan City noong nakaraang buwan dahil sa isyung may kinalaman sa umano’y ipinagbabawal na relasyon sa asawa ni Huss.

Napag-alaman na hinanap umano ng suspek sina Huss at Padi upang makaganti ngunit hindi niya natunton ang mga ito. Sa halip, nang makita niya si Ansary, na bayaw ng dalawa, umano’y hinampas niya ito sa ulo gamit ang isang kalibre .45 na baril at saka pinaputukan nang isang beses. Hindi naman tinamaan ng bala ang biktima.

Matapos ang insidente, tumakas ang suspek na si Mokamad, kasama ang tatlo pang hindi nakikilalang lalaki, sakay ng isang puting Toyota Hilux na walang plaka patungo sa hindi pa matukoy na direksyon.

Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga awtoridad para sa posibleng pag-aresto sa mga suspek.

Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang isang basyo ng kalibre .45 na baril at isang deformed slug na pinaniniwalaang mula rin sa naturang armas.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Marawi CPS at case build-up para sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga suspek na nananatiling at large.