Timbog ang isang high-value drug personality kasama ang apat pang suspek sa isinagawang Law Enforcement Support Operation (LESO) sa Barangay Tubig Putih, Luuk, Sulu noong Hunyo 19, 2026.
Ayon kay Capt. Kesly Maligro, Operations Officer ng 1102nd Infantry “Ganarul” Brigade, isinagawa ang operasyon bilang suporta sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Sulu sa pinalakas na kampanya kontra ilegal na droga at kriminalidad sa lalawigan.
Kabilang sa mga lumahok sa operasyon ang mga sundalo mula sa 101st Infantry “Sajahitra” Battalion, 21st Infantry “Invincible” Battalion, PNP-SAF, Luuk Municipal Police Station, PNP Provincial Mobile Force Company, PDEA-Sulu, NICA, at CIDG Region 9.
Sa buy-bust operation, nadakip ang isang alyas “Osi” o “Madam Vana,” na itinuturing na high-value target, kasama ang tatlong iba pa na kinilala bilang alyas Ron, shin, Mun, at Mir.
Nakumpiska sa operasyon ang tinatayang 65 gramo ng hinihinalang shabu 50 gramo mula sa bentahan at 15 gramo sa aktuwal na pag-aresto na may halagang humigit-kumulang ₱442,000.
Nasamsam din ang dalawang kalibre .45 pistola na may bala, digital weighing scale, cellphone, communication equipment, at iba pang drug paraphernalia.
Ang mga suspek at ebidensya ay dinala na sa pangangalaga ng PDEA-Sulu para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.
Pinasalamatan naman ni Brig. Gen. Alaric Avelino P. Delos Santos ang lahat ng yunit na lumahok sa matagumpay na operasyon at muling tiniyak ang patuloy na kampanya laban sa ilegal na droga at kriminalidad sa Sulu.

















