Tatlong magkakahiwalay na operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG ang nagresulta sa pagkakaaresto ng ilang suspek at pagkakasamsam ng mga hindi rehistradong baril at milyon-milyong pisong halaga ng umano’y smuggled cigarettes sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa Ragay, Camarines Sur, inaresto ng mga operatiba ng CIDG at iba pang yunit ng Philippine National Police ang isang 63-anyos na lalaki matapos ipatupad ang isang search warrant.
Nasamsam sa operasyon ang isang 9mm semi-automatic pistol, isang caliber .22 rifle, mga magasin, at mga bala na ayon sa CIDG ay hindi rehistrado sa Firearms and Explosives Office. Bahagi umano ito ng pagpapatupad ng OPLAN Paglalansag Omega na nakatuon sa kampanya laban sa mga loose firearms.
Samantala, naaresto rin sa Taytay, Palawan ang isang lalaki na itinuturing na Number 1 Regional Most Wanted Person sa MIMAROPA. Nahaharap siya sa mga kasong may kaugnayan sa umano’y pang-aabuso sa kanyang menor de edad na stepdaughter.
Sa Zamboanga City naman, nasamsam ng mga awtoridad ang mahigit P16.17 milyong halaga ng umano’y smuggled cigarettes. Kabilang sa mga nakumpiska ang 89 na master cases at 800 reams ng sigarilyo na walang kinakailangang Graphic Health Warnings at BIR tax stamps. Isang 47-anyos na lalaki ang naaresto kaugnay ng operasyon.
Ayon kay CIDG Director PMGEN Robert AA Morico II, magpapatuloy ang kanilang kampanya laban sa mga loose firearms, wanted persons, smuggling, at iba pang ilegal na aktibidad upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa mga komunidad.

















