Nasawi ang isang 44-anyos na lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek na umano’y tumangay rin sa kanilang motorsiklo sa Sitio Torre, Purok Rang-ay, Barangay Poblacion, Lambayong, Sultan Kudarat, nitong Huwebes ng hapon.

Kinilala ng Lambayong Municipal Police Station ang biktima na si Reynante Manicsic y Milliones, residente ng Purok Cargo, Barangay Midtapok, Lambayong. Nakaligtas naman sa insidente ang kanyang 15-anyos na anak na kasama niya nang mangyari ang pamamaril.

Batay sa paunang imbestigasyon, bandang 4:45 ng hapon nang magtungo ang mag-ama upang kunin ang kanilang alagang kalabaw. Habang nasa daan, hinarang sila ng isang armadong lalaki na agad umanong nagpaputok sa biktima bago tinangay ang kanilang Honda XRM 125 na motorsiklo.

Nagtamo si Manicsic ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Isinugod pa siya ng mga residente sa pinakamalapit na ospital ngunit idineklara ring dead on arrival ng mga manggagamot. Samantala, ligtas na nakatakas ang kanyang anak at agad na nakahingi ng tulong sa mga awtoridad.

Patuloy ang isinasagawang hot pursuit operation ng pulisya laban sa suspek na tumakas sakay ng tinangay na motorsiklo. Nagpalabas na rin ng abiso sa mga checkpoint sa mga karatig na bayan upang mapadali ang pagtunton sa salarin at mabawi ang sasakyan.

Inaalam pa ng mga imbestigador ang motibo sa krimen habang nagpapatuloy ang follow-up investigation.