Niyanig ng magnitude 5.5 na lindol ang karagatang sakop ng Davao Occidental ngayong Martes ng hapon, June 9, 2026, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Batay sa datos ng PHIVOLCS, naitala ang lindol alas-2:15 ng hapon sa layong 77 kilometro timog-kanluran ng Balut Island sa bayan ng Sarangani, Davao Occidental.
May lalim itong 10 kilometro at tectonic ang pinagmulan.
Naramdaman ang Intensity II sa bayan ng Alabel, Sarangani habang Instrumental Intensity III naman ang naitala sa Maitum, Sarangani at T’boli, South Cotabato.
Naitala rin ang Instrumental Intensity II sa Malapatan, Sarangani; Santo Niño, Tupi at Surallah sa South Cotabato; at Bagumbayan, Sultan Kudarat.
Samantala, Instrumental Intensity I naman ang naitala sa Digos City sa Davao del Sur; Sta. Maria, Davao Occidental; Koronadal City at Tampakan sa South Cotabato; at Zamboanga City.
Sa ngayon, wala pang naiulat na malaking pinsala o nasawi kaugnay ng pagyanig, ngunit patuloy na minomonitor ng mga awtoridad ang sitwasyon at posibleng aftershocks sa mga apektadong lugar.

















