Nanawagan ng hustisya ang mga magulang ng sanggol na namatay ilang oras matapos ipanganak sa Banga, South Cotabato, dahil sa paniniwala nilang may kapabayaan ang isang birthing home sa lugar.

Umapela sa pamunuan ng naturang pasilidad si Donald Santiago, ama ng sanggol, para sa agarang aksyon at hustisya sa nangyari sa kanilang anak. Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, sinabi ni Donald na naniniwala silang nagkaroon ng kapabayaan mula sa mga staff na naka-duty noong araw ng panganganak ng kanyang asawa.

Ayon sa kanya, ilang ulit hindi nabigyang-pansin ang lumalalang kondisyon ng misis at hindi ito nabigyan ng agarang atensyon, na nagpalala sa kalagayan ng sanggol. Dagdag pa niya, mas masakit para sa kanila ang pangyayari dahil wala ni isa man sa pamunuan o staff ng birthing home ang lumapit o humingi ng paumanhin pagkatapos ng insidente.

Ikinuwento rin ng mag-asawang Donald at Alvie Santiago na ilang beses nilang naramdaman ang pagkukulang sa pangangalaga—mula sa pagmo-monitor sa kondisyon ng ina, paghahanda ng mga gamit sa panganganak, hanggang sa pagresponde nang nagkaproblema ang sanggol. Dahil dito, iginiit nila na dapat managot ang mga health workers na sangkot, sapagkat buhay ng kanilang anak ang nakataya.

Hiniling ng mag-asawa sa lokal na pamahalaan at mga ahensyang pangkalusugan na imbestigahan ang operasyon ng birthing home upang matiyak na ligtas, sapat, at tama ang mga serbisyong ibinibigay nito sa mga pasyente.

Ayon kay Donald, habang hindi na maibabalik ang kanilang anak, umaasa silang sa pamamagitan ng kanilang panawagan ay maiwasan ang ganitong trahedya sa ibang sanggol at mapanagot ang mga dapat managot.

Samantala, matapos ang panayam sa Bombo Radyo, nakipag-ugnayan ang Municipal Health Office sa pamilya at nagpaabot ng paumanhin. Gayunman, iginiit ng pamilya Santiago na nais pa rin nilang personal na makausap ang apat na midwife na naka-duty noong panganganak upang malinawan sa mga pangyayari at matukoy ang posibleng pagkukulang.

VIA Bombo Radyo Koronadal