Umabot sa kabuuang ₱12.8 milyong halaga ng kontrabando at ilegal na droga ang nakumpiska ng Police Regional Office – Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR) sa isinagawang serye ng operasyon mula Pebrero 13 hanggang 19, 2026.

Sa inilabas na lingguhang accomplishment report, sinabi ng PRO BAR na nasa ₱10,208,750.00 halaga ng iba’t ibang smuggled items ang nakumpiska sa kanilang pinaigting na kampanya laban sa smuggling. Samantala, ₱2,677,500.00 halaga ng ilegal na droga ang nasamsam sa magkakahiwalay na anti-drug operations sa iba’t ibang lalawigan ng rehiyon.

Bukod dito, nakumpiska rin ang 15 assorted loose firearms sa patuloy na kampanya kontra ilegal na armas. Limang most wanted persons ang naaresto, habang tatlo pa ang nadakip sa isinagawang police response at checkpoint operations.

Sa kampanya laban sa carnapping, isang motorsiklo ang nabawi ng mga awtoridad. Lima namang indibidwal ang kusang-loob na sumuko sa ilalim ng kampanya laban sa CTGs at LTGs.

Ayon kay Jaysen C. De Guzman, Regional Director ng PRO BAR, patunay ang mga operasyong ito ng matatag na pagpapatupad ng batas at dedikasyon ng kapulisan sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Dagdag pa niya, mahalaga ang pakikipagtulungan ng komunidad upang mapanatiling ligtas ang mga lugar at tuluyang masugpo ang kriminalidad sa rehiyon.

Patuloy naman ang isinasagawang intelligence-driven operations at checkpoint activities ng PRO BAR bilang bahagi ng kanilang mas pinaigting na kampanya laban sa lahat ng uri ng krimen.