Tinatayang mahigit 7,300 indibidwal ang dumalo sa isinagawang SWC Community Forum and Orientation for Moral Governance sa ilalim ng General Assembly ng Damakling Province na ginanap noong May 20, 2026.

Layunin ng aktibidad na palakasin ang kamalayan ng komunidad hinggil sa moral governance, pagkakaisa, at pagpapatibay ng kapayapaan sa Bangsamoro sa pamamagitan ng iba’t ibang talakayan at mensaheng inihatid ng mga lider at tagapagsalita.

Sa kaniyang mensahe, binigyang-diin ni Sheikh Abdulkahar Mohammadtaha, Chairman ng Polcom Damakling Province, ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagtutulungan bilang mahalagang pundasyon sa pagpapanatili ng kapayapaan sa komunidad ng Bangsamoro.

Samantala, sinabi naman ni Engr. Aida Silongan na mahalaga ang matibay na ugnayan at kooperasyon ng mamamayan upang maisulong ang isang mapayapa at maayos na lipunan.

Tinalakay rin sa pagtitipon ang kahalagahan ng nalalapit na halalan kung saan inihayag ni Atty. Mary Ann M. Arnado na makasaysayan umano ang susunod na electoral process at binigyang-diin ang pangangailangan ng pagkakaisa sa hanay ng mga tagasuporta ng United Bangsamoro Justice Party o UBJP.

Iginiit naman ni Anwar Alamada na mahalagang mapanatili ang pananampalataya at pagkakaisa upang maipagpatuloy ang layunin at adhikain ng Bangsamoro.

Ipinaliwanag din ni Abdulaziz B. Talib, Director of Information ng Damakling Province, ang tatlong pangunahing adyenda ng Moro Islamic Liberation Front o MILF na kinabibilangan ng Islamization, social movement, at self-reliance.

Ayon naman kay Sheikh Marjauk Pigcaulan, nananatiling mahalaga ang pagsunod sa mga kautusan ng Allah sa gitna ng mga hamon sa pamumuno at politika bilang bahagi ng layunin ng pakikibaka.

Nagtapos ang aktibidad sa pagbigkas ng Bay’ah bilang simbolo ng pangako, pagkakaisa, at dedikasyon ng mga kalahok sa mga adhikain ng komunidad.