Mahigit dalawang milyong piso ang halaga ng mga pinaghihinalaang smuggled na sigarilyo na narekober ng mga awtoridad sa isinagawang anti-criminality checkpoint sa Barangay Tacub Pindolonan, Marantao, Lanao del Sur, pasado alas-dose ng madaling araw ngayong araw, Hunyo 28.
Ayon sa Marantao Municipal Police Station, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang barangay kagawad at mga miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team hinggil sa ilang indibidwal na sakay ng isang itim na Mitsubishi Triton pickup, itim na Toyota Innova, at kulay abong Nissan Navara na umano’y nagtapon ng mga kahon sa gilid ng kalsada bago pa man marating ang police checkpoint.
Agad na rumesponde ang mga pulis ng Marantao MPS katuwang ang Regional Intelligence Unit-15 at sa suporta ng Local Government Unit ng Marantao upang beripikahin ang ulat.
Sa isinagawang inspeksyon, natagpuan ang 51 kahon na naglalaman ng 2,550 reams ng mga pinaghihinalaang smuggled na sigarilyo na may mga tatak na Marvel, Twins, Mighty, at Winnsboro, na tinatayang nagkakahalaga ng P2,181,984.
Batay sa paunang imbestigasyon, pinaniniwalaang iniwan ng mga hindi pa nakikilalang suspek ang mga kontrabando matapos mapansin ang isinasagawang checkpoint ng mga pulis upang makaiwas sa pagkakaaresto.
Agad na isinailalim sa imbentaryo at dokumentasyon ang mga nakumpiskang sigarilyo bago dinala sa himpilan ng Marantao Municipal Police Station para sa tamang pag-iingat at paghahanda sa turnover sa kaukulang ahensya ng pamahalaan para sa karagdagang imbestigasyon at kaukulang legal na proseso.
Pinuri naman ni Police Regional Office–Bangsamoro Regional Director PBGen. Christopher M. Abecia ang mga operatiba sa matagumpay na operasyon. Aniya, patunay ito ng matibay na ugnayan ng PRO BAR at ng pamahalaang lokal ng Marantao sa kampanya laban sa smuggling at iba pang iligal na gawain.
Binigyang-diin pa ni Abecia na ipagpapatuloy ng pulisya ang pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan upang higit pang mapalakas ang seguridad at mapigilan ang paglaganap ng mga ilegal na aktibidad sa buong Bangsamoro Region.

















