Nakumpiska ng Philippine Coast Guard o PCG ang mahigit P3 milyon halaga ng hinihinalang smuggled cigarettes mula sa isang passenger vessel sa Zamboanga International Seaport.

Ayon sa PCG, isinagawa ang operasyon kahapon Agosto 7 matapos makatanggap ng intelligence information tungkol sa umano’y undocumented imported cigarettes na sakay ng naturang sasakyang-dagat at nakatakdang dalhin sa Zamboanga City.

Pagdating ng vessel sa pantalan, isinailalim ito sa inspeksyon ng Coast Guard K9 personnel na humantong sa pagkakadiskubre ng iba’t ibang klase ng sigarilyo na itinago sa ilang bahagi ng barko.

Tinatayang nasa P3 milyon at P58,600 ang kabuuang market value ng mga nakumpiskang sigarilyo.

Sa isinagawang imbestigasyon, apat na crew member ang umaming tumanggap at humawak sa mga kontrabando habang sakay ng vessel, ngunit hindi nila tinukoy kung sino ang may-ari ng mga ito.

Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa mga sangkot dahil sa posibleng paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act, National Internal Revenue Code, at Graphic Health Warnings Law.

Pinatawan din ng P40,000 multa ang vessel management matapos matukoy ang umano’y maling deklarasyon sa maritime security at departure documents.

Nasa kustodiya na ngayon ng PCG Investigation and Detection Unit sa Southwestern Mindanao ang mga nakumpiskang sigarilyo para sa safekeeping at kaukulang disposisyon.

Samantala, pinuri ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil L. Gavan ang mga tauhang nagsagawa ng operasyon at hinikayat ang pagpapatuloy ng intelligence-driven maritime law enforcement laban sa smuggling at iba pang ilegal na aktibidad sa karagatan.