Matagumpay na nakapagsagawa ng joint law enforcement operation ang Philippine National Police-Maritime Group (PNP-MG) na nagresulta sa pagkakasamsam ng mga produktong tabako na pinaniniwalaang iligal sa Barangay Divisoria, Zamboanga City noong Hunyo 7.
Pinangunahan ng Zamboanga City Maritime Police Station ang operasyon katuwang ang Headquarters Regional Maritime Unit 9 (HRMU9), 1st Special Operations Unit, at 1st Zamboanga City Mobile Force Company bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa smuggling at iba pang iligal na gawain.
Ayon sa ulat, nagsimula ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon mula sa Coastal Barangay Information Network hinggil sa umano’y transportasyon ng mga produktong tabako sa lugar. Sa isinagawang operasyon, naaktuhan ng mga operatiba ang isang indibidwal na nagkakarga ng mga kahon sa isang Mitsubishi Adventure.
Nang hingan ng kaukulang dokumento para sa mga kargamento, nabigo umano ang suspek na magpakita ng mga kinakailangang papeles, na posibleng paglabag sa Republic Act 10643 o ang Graphic Health Warnings Law.
Nasamsam ng mga awtoridad ang sasakyan at kabuuang 475 reams ng iba’t ibang brand ng sigarilyo, kabilang ang Mighty Menthol, Fort Menthol, BOSQU, at Samson Mild. Tinatayang nagkakahalaga ang mga nakumpiskang produkto ng PhP544,350.00 batay sa pagtataya ng Bureau of Customs.
Dinala ang suspek kasama ang mga nakuhang ebidensya sa HRMU9 para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon. Inihahanda na rin ang mga dokumento para sa referral sa Department of Trade and Industry (DTI), habang hinihintay ang opisyal na beripikasyon mula sa National Tobacco Administration (NTA).
Ayon sa PNP-Maritime Group, ang matagumpay na operasyon ay bahagi ng pagpapatupad ng Enhanced Managing Police Operations, isa sa mga pangunahing programa sa ilalim ng PNP Focused Agenda. Patuloy naman ang panawagan ng pulisya sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad upang mapigilan ang smuggling at iba pang ilegal na aktibidad na nakaaapekto sa ekonomiya at kapakanan ng mamamayan.

















