Mahigit P59 milyong halaga ng mga pinaniniwalaang smuggled na sigarilyo ang nasamsam sa magkakasunod na law enforcement operations sa Western Mindanao simula unang quarter ng 2026, ayon sa 1st Infantry (TABAK) Division ng Philippine Army.
Batay sa ulat, naisagawa ang mga operasyon sa pakikipag-ugnayan ng 1st Infantry Division sa Philippine National Police (PNP), Bureau of Customs (BOC), at iba pang ahensya ng pamahalaan bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa smuggling sa rehiyon.
Sa pamamagitan ng magkasanib na checkpoint operations, intelligence-driven interdiction, at iba pang koordinadong law enforcement operations, umabot na sa mahigit P59 milyon ang halaga ng mga nakumpiskang sigarilyo habang 27 indibidwal naman ang naaresto kaugnay ng naturang mga operasyon.
Ayon kay 1st Infantry Division Commander Major General Yegor Rey P. Barroquillo Jr., mahalagang bahagi ng kampanya ang pagsugpo sa smuggling dahil nakatutulong ito sa pagpigil sa iba pang kriminal na aktibidad at sa pagprotekta sa kita ng pamahalaan.
Tiniyak din ng opisyal na ipagpapatuloy ng 1st Infantry Division ang pakikipagtulungan sa PNP, Bureau of Customs, at iba pang katuwang na ahensya upang higit pang paigtingin ang kampanya laban sa smuggling sa Western Mindanao. Hinikayat din nito ang publiko na makiisa at agad iulat sa mga awtoridad ang anumang hinihinalang ilegal na aktibidad sa kanilang lugar.

















