Ginugunita ngayong June 19 ng Bangsamoro Government ang ika-55 anibersaryo ng Manili Massacre, isang trahedyang nananatiling malalim na bahagi ng kasaysayan ng Bangsamoro.
Noong June 19, 1971, nagtipon sa Barangay Manili, Carmen, North Cotabato ang mga Moro na kinabibilangan ng kalalakihan, kababaihan, at mga bata sa loob ng isang mosque matapos umanong alukin ng isang mapayapang diyalogo. Subalit nauwi ito sa karahasang ikinasawi ng tinatayang 70 katao.
Itinuturing ang insidente bilang isa sa pinakamadilim na yugto sa kasaysayan ng Bangsamoro, na nag-iwan ng matinding sugat sa mga pamilya at komunidad na direktang naapektuhan.
Sa paggunita ng ika-55 taon nito, binigyang-pugay ng Bangsamoro Government ang mga biktima at muling pinagtibay ang paninindigan para sa kapayapaan, katarungan, at pagpapanatili ng makasaysayang alaala bilang bahagi ng kolektibong paghilom at pag-unawa ng kasaysayan.
Ayon sa BARMM, ang paggunita sa Manili Massacre ay nagsisilbing paalala ng kahalagahan ng patuloy na pagsusulong ng kapayapaan at pagkakaisa sa rehiyon, at ng pagtiyak na hindi na muling mauulit ang mga ganitong trahedya.

















