Inihayag ng McDonald’s Philippines ang patuloy nitong ambag sa trabaho at lokal na ekonomiya ng Cotabato City kasunod ng pagtutol ni City Councilor Shalimar Candao sa paghahain ng mga pagkain mula sa American fast-food chain sa isang regular na sesyon ng Sangguniang Panlungsod.
‎
‎Sa inilabas na pahayag, sinabi ng kumpanya na ang sangay nito sa Cotabato City ay pag-aari at pinatatakbo ng isang Pilipinong negosyante, habang kabilang sa mga empleyado nito ang mga residente ng Bangsamoro.
‎
‎Binigyang-diin din ng McDonald’s Philippines na “100% Filipino-owned and locally managed” ang operasyon nito sa bansa sa ilalim ng Golden Arches Development Corporation o GADC.
‎
‎Ayon pa sa kumpanya, “McDonald’s Philippines has been part of the country for 45 years,” at patuloy itong lumilikha ng trabaho at nakikipagtulungan sa mga lokal na negosyo.
‎
‎Dagdag pa nito, “it stays committed to contribute to local economic activity,” sa pamamagitan ng pagbibigay ng trabaho, pagpapalakas ng mga pakikipagsosyo sa negosyo at pagbubukas ng oportunidad sa kabuhayan.
‎
‎Ito ay kasunod ng naging privilege speech ni Councilor Shalimar Candao, na kumuwestiyon sa paghahain ng spaghetti at chicken snacks mula sa naturang fast-food chain sa sesyon ng konseho.
‎
‎“We are the ones making laws, ordinances, resolutions, and we are the ones violating resolutions that we approved,” ani Candao, habang ipinag-utos ang pag-aalis ng mga naturang pagkain sa mga mesa ng mga konsehal at kawani.
‎
‎Ang resolusyong inakda ni Candao at inaprubahan noong Abril 14, 2026, ay nananawagan ng pagbabawal sa mga pagkain at inumin mula sa mga fast-food chain ng Amerika sa mga tanggapan at ahensiya ng pamahalaang lungsod bilang pagpapakita ng suporta sa mamamayang Palestinian.
‎
‎Sa usapin, nakasentro ang panig ng konsehal sa pagpapatupad ng resolusyon ng lungsod bilang pagpapakita ng pakikiisa sa Palestine, habang binigyang-diin naman ng kumpanya ang pagmamay-ari at pamamahala ng Pilipino, gayundin ang ambag nito sa trabaho at lokal na kabuhayan.