Nagpulong ang Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) Scenario Building Team sa pangunguna ng Bangsamoro READi upang muling suriin ang posibleng epekto ng El Niño sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.

Isinagawa ang pagpupulong kahapon, July 6 sa Conference Room ng Bangsamoro READi sa Bangsamoro Government Center sa Cotabato City, kung saan tinalakay ang pinakahuling datos at mga posibleng hakbang ng mga kinauukulang ahensya kaugnay ng inaasahang epekto ng El Niño sa rehiyon.

Inilahad ni DOST-PAGASA Cotabato Synoptic Station Officer-in-Charge Gleziel Pedrico ang pinakabagong climate outlook para sa BARMM na naging batayan sa isinagawang risk assessment at sa pagtukoy ng mga posibleng interbensyon batay sa mga lugar na maaaring maapektuhan, tindi, at tagal ng El Niño.

Kabilang sa mga napagkasunduan ang pag-update ng El Niño Action Plan, pagpapalawak ng information and awareness campaign, at pagsasagawa ng buwanang reassessment upang patuloy na mabantayan ang sitwasyon.

Dumalo sa pagpupulong ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ng Bangsamoro Government, kasama ang DOST-PAGASA, Police Regional Office–BAR, Western Mindanao Command–6th Infantry Division, Philippine Coast Guard–BARMM, at Bureau of Fire Protection–BARMM.