Nananawagan ang mga lider at mamamayan ng lalawigan ng Sulu na ibalik ito sa hurisdiksyon ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), kasunod ng pagkakabura ng Sulu sa saklaw ng rehiyon.
Ayon kay Moro National Liberation Front (MNLF) Chairman Muslimin Sema, malinaw na labag ito sa mga umiiral na kasunduang pangkapayapaan, kabilang na ang 1996 Final Peace Agreement sa pagitan ng MNLF at ng pamahalaan, pati na rin ang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB).
Inihayag ito ni Sema—na mas kilala bilang Bapa Mus—sa isinagawang konsultatibong miting na pinangunahan ng Lupah Sug State Revolutionary Committee ng MNLF sa lalawigan kamakailan.
Dumalo sa naturang pagtitipon ang mga lokal na lider at residente ng Sulu na iisa ang panawagan: maibalik ang lalawigan sa ilalim ng pamamahala ng BARMM upang muling marinig ang kanilang tinig sa rehiyonal na pamahalaan.
Giit ni Sema, hindi ito usapin ng pulitika o pansariling interes, kundi isang laban para sa karapatan, identidad, at pagkakapantay-pantay bilang bahagi ng isang rehiyong matagal nang ipinaglaban ng mga Bangsamoro.
Hinimok din niya ang mga taga-Sulu na huwag manahimik, kundi magkaisa sa panawagang ibalik ang hustisya at ang karampatang representasyon ng kanilang lalawigan sa BARMM.