Nagsagawa ang 10th Infantry (Agila) Division, katuwang ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Davao de Oro, ng aerial survey noong Pebrero 21, 2026, bilang bahagi ng Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA) matapos ang ilang araw ng malakas na pag-ulan dulot ng shear line.

Kasama sa aerial inspection si Brigadier General Vince James Bantilan, Commander ng 1001st Infantry Brigade, at si Governor Raul Mabanglo ng Davao de Oro upang matiyak ang maayos at tumpak na pagtataya sa pinsalang dulot ng ulan at mas mapadali ang koordinadong tugon sa mga apektadong komunidad.

Saklaw ng survey ang ilang bahagi ng Agusan del Sur at Davao del Norte, kabilang ang mga lugar na tinamaan ng baha, mga tulay, kalsada, prone sa landslide, tabing-ilog, at iba pang panganib dulot ng malakas na pag-ulan. Layunin ng assessment na mas mabilis at mas nakatuon ang paghahatid ng tulong sa pamamagitan ng koordinasyon sa lokal na pamahalaan at iba pang katuwang na ahensya.

Ayon kay Major General Alvin Luzon, Commander ng 10th Infantry (Agila) Division, mahalaga ang aerial assessment upang mas mabilis na maipamahagi ang mga resources at maipatupad ang pagtugon sa pinakamatinding apektadong lugar.

Ang isinagawang activity ay bahagi ng pagsubaybay sa kalagayan ng mga komunidad, pagpapatibay ng koordinasyon ng militar at lokal na pamahalaan, at pagtukoy sa pangangailangan ng tulong sa oras ng kalamidad.