Isinagawa ang isang command group visitation at strategic dialogue ng 2nd Mechanized Infantry Battalion (MAKASAG) sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) 108th Base Command sa President Quirino, Sultan Kudarat noong April 30, 2026, bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na palakasin ang kapayapaan at seguridad sa lugar.
Pinangunahan ang delegasyon ni LTC Raul P. Escat, Commanding Officer ng MAKASAG Battalion, kasama sina CPT Mark Jerusalem Deveza, Commander ng 23rd Mechanized Company, at CPT Christopher T. Ruiz, Civil-Military Operations Officer.
Tinanggap naman ang grupo ng MILF leadership sa pangunguna ni Base Commander Nauna Mamaluba at mga opisyal ng 108th Base Command, na nagpakita ng iisang layunin na mapanatili ang katatagan sa kani-kanilang areas of responsibility.
Sa naging talakayan, binigyang-diin ng dalawang panig ang pagpapalakas ng koordinasyon, pagtitiwala, at bukas na komunikasyon sa pagitan ng government forces at MILF counterparts. Tinalakay din ang mga usapin kaugnay ng pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, pagresolba sa mga umuusbong na security concerns, at patuloy na pagsunod sa umiiral na peace agreements at mechanisms.
Giit ng magkabilang panig, mahalaga ang patuloy na diyalogo upang maiwasan ang muling paglala ng tensyon at mapalakas ang pagkakaisa ng mga komunidad sa lugar.
Ayon sa ulat, ang naturang aktibidad ay patunay ng aktibong hakbang ng MAKASAG Battalion sa pagpapatibay ng partnership sa mga peace stakeholders, bilang suporta sa mas malawak na layunin ng Philippine Army na makamit ang pangmatagalang kapayapaan, katatagan, at kaunlaran sa Sultan Kudarat at karatig na lugar.

















