Nagbigay ng matinding pahayag si NAPOLCOM Commissioner Ralph Calinisan kaugnay sa viral CCTV incident na kinasasangkutan ng isang pulis sa Malolos City.
Ayon kay Calinisan, paiigtingin ng National Police Commission ang paghawak sa administrative aspect ng kaso habang inaasahan naman na tututukan ng Philippine National Police ang criminal charges na maaaring isampa laban sa sangkot na personnel.
Giit ng opisyal, mariing hindi kukunsintihin ng ahensya ang anumang uri ng karahasan, lalo na laban sa kababaihan o sinumang indibidwal. Tiniyak din niya na pananagutin ang responsable at maibibigay ang agarang hustisya sa biktima.
Tinawag pa ng opisyal na “open and shut case” ang insidente, sabay diin na hindi dapat palampasin ang ganitong uri ng paglabag.
Nanawagan din si Calinisan sa biktima na lumutang at makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan, sabay sabing bukas ang National Police Commission para sa kanya.
Inatasan din niya ang kanilang Regional Director at regional office na hanapin ang biktima at alamin ang buong katotohanan sa likod ng insidente, kasabay ng pangakong mabilis na aaksyunan ang kaso para sa agarang hustisya.

















