Sibak sa puwesto ang pulis na sangkot sa kontrobersyal na pag-aresto sa isang senior citizen sa Taguig City matapos umanong mamagitan sa banggaan ng sasakyan na nauwi sa isyu ng sapilitang pag-aresto at mainitang palitan ng salita sa pagitan ng opisyal at National Police Commission (NAPOLCOM).

Ayon sa ulat, nag-ugat ang insidente sa aksidenteng banggaan ng sasakyan na minamaneho ng isang senior citizen at ng pulis, na kalaunan ay nauwi sa pag-aresto sa matanda matapos umanong magkaroon ng tensyon sa lugar.

Lumala pa ang sitwasyon matapos magpalitan ng pahayag ang naturang pulis at si NAPOLCOM Commissioner Rafael Calinisan, kaugnay ng naging kilos ng operatiba at ang paraan ng paghawak sa insidente.

Lumabas sa ilang ulat na tinutulan ng pulis ang mga paratang na ginamit siya sa umano’y “pagpapapogi” sa media, at iginiit din ang kaniyang panig hinggil sa usapin ng posibleng “areglo” sa naturang insidente.

Sa gitna ng kontrobersiya, nagpasya ang mga awtoridad na alisin sa puwesto ang naturang pulis habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa buong pangyayari.

Patuloy pang inaalam ang kabuuang detalye ng insidente at ang magiging susunod na hakbang ng mga kinauukulang ahensya.