Kinilala ang nasawi na si Basir M. Gapor, 35-anyos, residente ng Mother Barangay Poblacion. Sugatan naman ang isang menor de edad na kilala sa alyas na “Yusseff” at si Police Corporal alyas na “Ting”, miyembro ng Philippine National Police.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Cotabato City Police Office, magkaangkas sa isang traysikel sina Gapor at ang menor de edad nang pagbabarilin sila ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek na sakay ng isang itim na Honda CRF motorcycle. Nadamay naman si PCpl. Kauring matapos tamaan ng ligaw na bala habang ino-overtake ang traysikel gamit ang kanyang motorsiklo.
Narekober sa pinangyarihan ang limang basyo ng bala ng kalibre .45. Isinugod ang tatlong biktima sa Cotabato Regional and Medical Center ngunit idineklarang dead on arrival si Gapor. Nasa matatag namang kondisyon ang dalawang sugatan.
Sa karagdagang imbestigasyon, lumabas na si Gapor ang pangunahing target ng pamamaril, habang tinamaan lamang ng ligaw na bala ang menor de edad at ang pulis. Pinaniniwalaang personal na alitan ang motibo, bagaman patuloy pa itong iniimbestigahan.
Agad namang nagsagawa ng lockdown at hot pursuit operation ang mga awtoridad habang kinukuha rin ang mga kuha ng CCTV sa paligid upang matukoy at maaresto ang mga suspek na tumakas patungo sa bahagi ng supermarket.

















