Isang sundalo ng 11th Infantry “Alakdan” Division ang nasawi habang dalawang iba pa ang nasugatan matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek sa Indanan, Sulu, kahapon Agosto 12.

Dakong alas-8:15 ng umaga nang tambangan ang tatlong tauhan sa vicinity ng Barangay Tagbak habang patungo sa 11th Division Training School.

Batay sa paunang ulat ng 11th Infantry Division, dalawang indibidwal na sakay ng motorsiklo ang umano’y nagpaputok gamit ang .45-caliber na baril.

Agad na isinugod sa Kuta Heneral Teodulfo Bautista Station Hospital ang mga apektadong tauhan para sa kaukulang atensyong medikal at assistance.

Kinilala naman ng 11th Infantry Division si Corporal Aldrin A. Wanson bilang isa sa mga nasawi sa insidente.

Binigyang-pugay ng dibisyon ang buhay, tapang at dedikasyon ni Wanson, na inilarawang tapat na naglingkod sa bayan at tumugon sa kanyang tungkulin.

Samantala, nagpapatuloy ang security at investigative efforts ng mga awtoridad upang matukoy at matunton ang mga responsable sa pag-atake, gayundin ang motibo sa insidente.

Nanawagan ang 11th Infantry Division sa publiko na manatiling kalmado at iwasang magpakalat ng haka-haka habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Hinimok din ang komunidad na makipagtulungan sa mga awtoridad at ibahagi ang anumang impormasyong maaaring makatulong sa pagkilala at pagtunton sa mga responsable sa pag-atake.