Sumailalim sa tatlong araw na Tactical Combat Casualty Care o TC3 training ang mga tauhan ng militar at reservists ng Naval Forces Reserve–Western Mindanao sa Camp Siongco Station Hospital ng 6th Infantry Division, Philippine Army.

Isinagawa ang pagsasanay sa Camp BGen Gonzalo H. Siongco sa Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, sa tulong ng tanggapan ni Bangsamoro Transition Authority Deputy Floor Leader MP Atty. Suharto M. Ambolodto, MNSA.

Layunin ng training na mapaigting ang kakayahan ng mga kalahok sa pagbibigay ng agarang lunas sa mga nasugatan, partikular sa mga sitwasyong may mataas na panganib gaya ng military operations, disaster response at search-and-rescue missions.

Kabilang sa mga itinuro ang MARCH-PAWS framework, na nakatuon sa pagkontrol ng matinding pagdurugo, airway management, paghinga at sirkulasyon, pangangalaga sa head injury at pag-iwas sa hypothermia, gayundin ang pain management, antibiotics, wound care at splinting.

Tinuruan din ang mga kalahok ng mga pangunahing proseso sa Care Under Fire at Tactical Field Care, kabilang ang pagtugon sa mga life-threatening injuries at tamang pamamaraan ng casualty evacuation.

Ayon kay CSSH Commanding Officer Col. Alexander C. Zapanta, mahalaga ang TC3 training upang maging handa ang mga tauhan sa pagbibigay ng agarang medical assistance sa mga kritikal na sitwasyon.

Nagtapos ang pagsasanay sa written examination at Field Training Exercise, kung saan aktuwal na isinagawa ng mga kalahok ang mabilis na pagsusuri sa mga nasugatan, pagdedesisyon sa ilalim ng pressure at mga life-saving intervention bago ang evacuation.