Nagbalik-loob sa pamahalaan ang isang umano’y political instructor ng Regional Operations Command-Far South Mindanao Region o ROC-FSMR ng CPP-NPA-NDF matapos humingi ng tulong para sa kanyang pagpapagamot.

Kinilala ng mga awtoridad ang sumuko bilang si alyas Lovie, Tikong at Yassie, na sinasabing political instructor ng Executive Committee at medic ng naturang grupo.

Ayon sa mga awtoridad, humingi ng tulong si alyas Lovie sa South Cotabato Provincial Government matapos umano siyang barilin ng kanyang mga kasamahan noong Setyembre 19 sa Tagum City.

Dinala siya sa isang pagamutan para sa gamutan, seguridad at iba pang pangangailangan, habang nasa proseso rin umano siya ng pagbabalik-loob sa pamahalaan.

Sa kanyang salaysay, sinabi ni alyas Lovie na nagpasya siyang kumalas sa armadong grupo matapos umano niyang mapansin ang mga banta mula sa kanyang mga kasamahan at dahil sa hirap ng patuloy na pagtatago sa kabundukan.

Sinabi rin niyang nais niyang mamuhay nang mapayapa habang nagdadalang-tao at magkaroon ng mas magandang kinabukasan para sa kanyang pamilya.

Samantala, sinabi ni 603rd Infantry Brigade Acting Commander Col. Glenn Loreto T. Caballero na bukas ang pamahalaan sa mga miyembro ng armadong grupo na nais magbalik-loob.

Patuloy naman ang koordinasyon ng mga awtoridad at iba pang ahensya para sa seguridad, gamutan at suporta kay alyas Lovie.