Apat na lalaki ang inaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) matapos umanong masangkot sa ilegal na pagbebenta at pangangalakal ng mga produktong petrolyo sa Barangay Baliwasan, Zamboanga City.

Isinagawa ang operasyon ng CIDG Regional Field Unit 9 Special Operations Team katuwang ang Police Station 11 ng Zamboanga City Police Office dakong alas-11:45 ng gabi noong Hunyo 2.

Nakumpiska sa operasyon ang tinatayang 700 lalagyan ng hinihinalang iligal na gasolina na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P1.497 milyon, gayundin ang dalawang motorized boat na lokal na kilala bilang “jungkong.”

Kinilala ng CIDG ang mga suspek sa kanilang mga alyas na “Jay,” “Ran,” “Hael,” at “Mark,” na pawang nasa hustong gulang at mga residente ng Isabela City, Basilan at Indanan, Sulu.

Ayon sa ulat na isinumite kay CIDG Director PMGen. Robert AA Morico II, nahuli umano ang mga suspek habang sangkot sa bentahan at distribusyon ng mga produktong petrolyo nang walang kinakailangang lisensya at awtorisasyon mula sa Department of Energy.

Sinabi ni Morico na mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng Batas Pambansa Blg. 33, na inamyendahan ng Presidential Decree 1865, ang pagbebenta at pamamahagi ng mga produktong petrolyo para sa tubo nang walang kaukulang permit mula sa pamahalaan.

Binigyang-diin din nito na layunin ng batas na maprotektahan ang interes ng publiko, mapanatili ang seguridad sa enerhiya, at masugpo ang mga hindi patas na gawain sa kalakalan ng petrolyo.

Pinuri naman ng pamunuan ng CIDG ang CIDG Regional Field Unit 9 at ang Special Operations Team 9 sa matagumpay na pagsasagawa ng operasyon laban sa umano’y ilegal na kalakalan ng petrolyo.

Tiniyak ng CIDG na magpapatuloy ang kanilang kampanya laban sa lahat ng uri ng iligal na aktibidad at hinikayat ang publiko na iulat ang anumang kaso ng ilegal na bentahan, hoarding, at profiteering ng mga produktong petrolyo sa kanilang mga lugar.