Nasabat ng mga operatiba ng Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region o PRO-BAR ang tinatayang 466 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P3.16 milyon, habang isang suspek ang naaresto at isa pa ang nasawi sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Lilod Baklayan, Ditsaan Ramain, Lanao del Sur kahapon Hulyo 31.
Kinilala ang naarestong suspek na si Musa Nahar Umayog, alyas “Nahar,” 45-anyos, tricycle driver at residente ng Barangay Talub sa nasabing bayan.
Ayon sa PRO-BAR, matagumpay na naisagawa ng undercover operative ang transaksiyon para sa bentahan ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P500,000 bago isinagawa ang pag-aresto sa suspek.
Sa gitna ng operasyon, umano’y nagpaputok ng baril ang kasabwat ni Umayog na nakilala lamang sa alyas na “Alnor” habang tumatakas patungo sa masukal na lugar.
Dahil dito, gumanti ng putok ang mga operatiba na nauwi sa halos pitong minutong armadong engkuwentro.
Tinamaan ng bala ang suspek at isinugod sa Amai Pakpak Medical Center ngunit idineklara itong dead on arrival ng attending physician.
Wala namang naiulat na nasugatang pulis sa insidente.
Bukod sa hinihinalang shabu, nakumpiska rin sa operasyon ang limang bundle ng boodle money na may kasamang isang tunay na P1,000 bill bilang buy-bust money, isang Honda XRM motorcycle, susi ng motorsiklo, at dalawang lighter.
Isinagawa ang imbentaryo at pagdodokumento ng mga nakuhang ebidensya sa lugar ng operasyon sa harap ng mga kinakailangang saksi, alinsunod sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Samantala, pinuri ni PRO-BAR Regional Director Police Brigadier General Christopher M. Abecia ang mga operatiba at iginiit ang patuloy na pinaigting na kampanya ng kanilang tanggapan laban sa ilegal na droga, kasabay ng panawagang tiyaking ang lahat ng operasyon ay isinasagawa nang naaayon sa batas.

















