Nasamsam ng Police Regional Office-Bangsamoro o PRO BAR ang tinatayang P3.4 milyong halaga ng hinihinalang shabu at naaresto ang isang drug suspect sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Lalabuan, Balindong o Wato, Lanao del Sur noong Hulyo 22.

Kinilala lamang sa alyas na “Khalid” ang suspek na nahuli matapos umanong tangkaing ibenta sa poseur-buyer ang limang pakete ng hinihinalang shabu kapalit ng P500,000 na buy-bust money.

Ayon sa PRO BAR, umabot sa humigit-kumulang 500 gramo ng hinihinalang shabu ang nakumpiska na may tinatayang halaga na P3.4 milyon batay sa Dangerous Drugs Board National Average Price.

Sa kasagsagan ng operasyon, sinabi ng pulisya na nagtangkang manlaban ang tatlong kasamahan ng suspek kaya napilitang gumamit ng kinakailangang puwersa ang mga operatiba upang matiyak ang kaligtasan ng lahat at maisagawa ang pag-aresto.

Wala namang naitalang nasawi o nasugatan sa panig ng mga pulis at ng mga armadong kasamahan ng suspek.

Bukod sa hinihinalang shabu, narekober din ang isang tunay na isang libong pisong bill na nakapatong sa boodle money na ginamit sa operasyon, isang eco bag, isang plastic bag, at dalawang basyo ng bala ng 9mm na baril.

Isasailalim sa pagsusuri ng Regional Forensic Unit-BAR ang mga nakumpiskang ebidensya habang inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa naarestong suspek.

Pinuri naman ni PRO BAR Regional Director PBGen. Christopher M. Abecia ang mga operatiba sa kanilang matagumpay na operasyon at tiniyak na magpapatuloy ang pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga sa Bangsamoro.