Nasamsam ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office 9 ang tinatayang 50 gramo ng hinihinalang shabu na may standard value na P340,000 sa isinagawang buy-bust operation sa Zamboanga City.

Isinagawa ang operasyon bandang 5:45 ng hapon noong Hulyo 18, 2026 sa kahabaan ng Mayor Jaldon Street, Barangay Canelar, Zamboanga City.

Pinangunahan ang operasyon ng PDEA Zamboanga City Office sa tulong ng PDEA Isabela City Office, TSC RMFB 9, at Zamboanga City Police Office–City Drug Enforcement Unit (ZCPO-CDEU).

Naaresto sa operasyon ang suspek na nakilalang alias “Radzta,” 53-anyos, at residente ng Oriental Home Subdivision, Barangay San Roque, Zamboanga City.

Bukod sa mga hinihinalang iligal na droga, narekober din ng mga awtoridad ang bundle ng boodle money na may nakapatong na isang tunay na P1,000 bill na ginamit bilang buy-bust money, isang dilaw na cellophane, isang Vivo Android cellphone, driver’s license, at isang pulang Suzuki S-Presso.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs), Article II ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.