Sunod-sunod na operasyon ng Philippine Navy ang nagresulta sa pagkakasabat ng mahigit Php526 milyon halaga ng mga iligal na sigarilyo sa loob lang ng dalawang araw sa karagatan ng Basilan.
Unang naharang noong Mayo 13 ang motorboat na M/B ZHYZHY, kung saan natuklasan ang mahigit 2,500 master cases ng kontrabandong sigarilyo na tinatayang nagkakahalaga ng Php317.3 milyon. Nabigo ang kapitan at 13 crew na magpakita ng kaukulang dokumento para sa kargamento.
Makalipas ang dalawang araw, nasabat naman ang barkong JTK EXPRESS malapit sa Hadji Mohammad Ajul, Basilan. Lulan nito ang 1,400 master cases ng iligal na sigarilyo na nagkakahalaga ng halos ₱209 milyon.
Inaresto rin ang kapitan at anim na tripulante matapos hindi makapagpakita ng import permits.
Sa kabuuan, umabot sa 21 katao ang naaresto habang halos 3,916 master cases ng smuggled cigarettes ang nakumpiska.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.
Dinala ang mga ebidensya at mga suspek sa Naval Station Romulo Espaldon bago itinurn-over sa Bureau of Customs sa Zamboanga para sa pagsasampa ng mga kaso.














