Nasabat ng mga awtoridad ang aabot sa 895 reams ng pinaghihinalaang smuggled cigarettes na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P680,265.06, habang isang suspek ang inaresto sa isinagawang COMELEC checkpoint sa Barangay Daguan, Kapatagan, Lanao del Sur nitong Hulyo 27.
Kinilala ng pulisya ang naarestong suspek na si Abdulbasit Aiyadi Abijo, 38-anyos, may asawa, at residente ng Zamboanga City.
Nahaharap siya sa kasong paglabag sa Republic Act 10643 o Graphic Health Warnings Law at Republic Act 10863 o Customs Modernization and Tariff Act.
Ayon sa ulat, nagsasagawa ng routine inspection ang pinagsanib na pwersa ng Kapatagan Municipal Police Station, 1401st Regional Mobile Force Battalion 14-A, at Delta Company ng 64th Infantry Battalion, Philippine Army, nang parahin ang isang puting Ford Ranger na bumiyahe mula Picong, Lanao del Sur patungong Parang, Maguindanao del Norte.
Napansin umano ng mga operatiba ang kahina-hinalang pagbabago sa ilalim ng sasakyan at nang tangkaing tumakas ng drayber ay agad itong hinabol at naharang.
Sa masusing inspeksyon, nadiskubre ang 700 reams ng D&J Red Premium at 195 reams ng D&J Ice Blast cigarettes na nakatago sa iba’t ibang bahagi ng sasakyan, kabilang ang spare tire compartment, cargo bed, ilalim ng mga upuan, at ilalim ng sahig ng pickup.
Isinagawa ang imbentaryo at pagmamarka sa mga nakumpiskang kontrabando sa harap ng kinatawan ng Bureau of Customs at isang opisyal ng barangay upang matiyak ang pagsunod sa itinakdang legal na proseso.
Dinala ang suspek, kasama ang mga nakumpiskang sigarilyo at sasakyan, sa Kapatagan Municipal Police Station para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.
Pinuri naman ni PRO BAR Regional Director PBGEN Christopher M. Abecia ang mga operatiba sa kanilang pagiging mapagmatyag at iginiit na lalo pang paiigtingin ang checkpoint operations upang mapigilan ang smuggling at iba pang ilegal na aktibidad, lalo na ngayong panahon ng halalan.

















