Nakiisa ang mga kinatawan ng Pilipinas sa walkout ng ilang delegado sa United Nations General Assembly o UNGA nang magsimulang magsalita si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu noong Setyembre 24.
Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs o DFA ang paglahok ng bansa sa naturang protesta.
Ayon sa DFA, ginawa ang hakbang bilang pagpapakita ng pakikiisa sa panawagan para sa kapayapaan sa Middle East at paghinto sa mga aksyong nakaaapekto sa posibilidad ng pagkakaroon ng kapayapaan sa rehiyon.
Sinabi rin ng DFA na nananatiling nababahala ang Pilipinas sa sitwasyon sa Gaza, sa E1 settlement plan ng Israel at sa patuloy na karahasan sa West Bank.
Binigyang-diin ng ahensya na nakahahadlang ang mga naturang hakbang sa pagkamit ng makatarungan, pangmatagalan at komprehensibong solusyon sa sigalot sa Middle East.
Patuloy namang sinusuportahan ng Pilipinas ang two-state solution bilang daan tungo sa kapayapaan sa rehiyon.
Samantala, tinawag ni Netanyahu na “moral cowards” ang mga opisyal na lumabas sa bulwagan habang magsisimula ang kanyang talumpati.

















