Nakiisa ang 2nd Mechanized Infantry “Makasag” Battalion sa isang parliament meeting kasama ang mga opisyal ng Moro National Liberation Front–Misuari Faction (MNLF-MF) bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng kapayapaan at katatagan sa Bangsamoro Region.

Idinaos ang pagpupulong noong July 16 sa Barangay Maslabeng, Buluan, Maguindanao del Sur. Kinatawan ng batalyon sina Lieutenant Colonel Raul P. Escat, Battalion Commander, at First Lieutenant Marvin Voluntad, Acting Company Commander ng 21st Mechanized Company.

Pinangunahan naman ni Jamalludin Abdullah Jr., Chairman ng Dragon Border Command, ang delegasyon ng MNLF-MF kasama ang iba pang opisyal ng kanilang organisasyon.

Sa pulong, tinalakay ng magkabilang panig ang mga usaping may kaugnayan sa kapayapaan at seguridad, pagpapalakas ng ugnayan, at pagpapatibay ng kooperasyon bilang suporta sa peace at normalization efforts ng pamahalaan sa Bangsamoro.

Binigyang-diin din ng Philippine Army at ng MNLF-MF ang kahalagahan ng patuloy na dayalogo, bukas na komunikasyon, at sama-samang pagtutulungan upang mapanatili ang kapayapaan, seguridad, at kaunlaran sa rehiyon.