Umabot sa mahigit P469.8-milyon ang halaga ng mga ilegal na droga na nasamsam ng Philippine National Police (PNP) sa loob lamang ng unang tatlong linggo ng Hunyo, mula Hunyo 1 hanggang 20, 2026, sa ilalim ng pinaigting na kampanya kontra ilegal na droga sa buong bansa.
Batay sa ulat ng PNP, kabuuang 3,420 anti-illegal drug operations ang isinagawa sa buong kapuluan na nagresulta sa pag-aresto sa 4,168 na indibidwal. Nasamsam din sa mga operasyon ang iba’t ibang uri ng droga tulad ng shabu, marijuana, cocaine, at iba pang ipinagbabawal na substansiya.
Ayon sa PNP, ang naturang tagumpay ay patunay ng tuloy-tuloy na pagsisikap ng kanilang hanay sa ilalim ng Focused Agenda, na layuning palakasin pa ang operasyon laban sa ilegal na droga habang tinitiyak na sumusunod sa batas at nirerespeto ang karapatang pantao ang bawat hakbang ng pulisya. Bahagi rin ito ng suporta sa kampanya ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa kaayusan at kapayapaan sa bansa.
Kabilang sa mga may pinakamalaking nakumpiskang droga ay ang Police Regional Office–Cordillera Administrative Region (PROCAR) na nakapagtala ng higit P225.3-milyon, sinundan ng Police Regional Office 6 (Western Visayas) na may P52.3-milyon, at National Capital Region Police Office (NCRPO) na may P28.9-milyon.
Pinasalamatan ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang lahat ng mga operatiba sa kanilang dedikasyon at propesyonalismo sa pagpapatupad ng kampanya.
Ayon kay Nartatez, “Ang mga resulta na ito ay patunay ng sama-samang pagkilos ng ating mga kapulisan at mga komunidad laban sa ilegal na droga. Patuloy nating paiigtingin ang ating mga operasyon sa paraang maayos, legal, at may paggalang sa karapatan ng bawat mamamayan.”
Dagdag pa niya, hindi lamang bilang ng operasyon o halaga ng nakumpiska ang mahalaga kundi ang seguridad at kapanatagan ng mga komunidad.

















