Nasawi ang isang pulis matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek habang nagdarasal sa loob ng isang mosque sa Barangay Uyaan Proper, Madamba, Lanao del Sur nitong Sabado ng gabi, Hunyo 20.
Kinilala ang biktima na si Police Chief Master Sergeant (PCMS) Alioden M. Sarangani, nasa hustong gulang, na nakatalaga sa Madamba Municipal Police Station at residente ng Barangay Tungantungan, Madalum, Lanao del Sur.
Batay sa ulat, bandang alas-7:42 ng gabi nang makatanggap ng impormasyon ang Madamba MPS hinggil sa naganap na pamamaril sa lugar. Agad namang rumesponde ang mga pulis upang beripikahin ang insidente.
Pagdating sa pinangyarihan, natagpuan ng mga awtoridad ang biktima na wala nang buhay sa loob ng mosque matapos magtamo ng tama ng bala habang nagdarasal. Kaagad namang tumakas ang suspek at nagtungo sa hindi pa malamang direksyon.
Matapos ang insidente, kinuha ng mga kaanak ang labi ng biktima upang agad na mailibing alinsunod sa tradisyon at kaugalian ng Islam.
Patuloy namang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang Madamba MPS upang matukoy ang motibo ng krimen at makilala ang suspek na responsable sa pamamaril.
Sa kasalukuyan, nagsasagawa na rin ng hot pursuit operation ang mga pulis para sa posibleng pag-aresto sa salarin. Inatasan na rin ang intelligence network ng himpilan upang mangalap ng karagdagang impormasyon kaugnay sa pagkakakilanlan ng suspek at dahilan ng krimen.

















