Isang alitan sa pagitan ng dalawang pulis ang nauwi sa pamamaril na ikinasawi ng isa sa kanila, Huwebes ng gabi, Setyembre 18, 2025.

Ayon sa Kidapawan City Police Station, binaril ni Corporal Renante Astudillo Villanueva ang kasamahan niyang si Corporal Kim Lloyd Pramisana Pedregosa gamit ang 9mm pistol ng PNP. Pagkatapos ng insidente, mabilis na tumakas ang suspek.

Naisugod pa sa pagamutan ang biktima ngunit hindi na ito nakaligtas sa tinamong mga tama ng bala. Dahil dito, nagsagawa ng hot pursuit ang mga otoridad, hanggang sa kusang sumuko si Villanueva madaling araw ng Biyernes.

Sa kasalukuyan, hawak na ng pulisya ang suspek at iniimbestigahan hinggil sa motibo ng pamamaril, na unang iniulat na may kinalaman umano sa personal na alitan.

Inaasahang kakasuhan si Villanueva at posibleng masibak sa serbisyo ng pulisya.