Muling nagkaroon ng sagupaan ang tropa ng pamahalaan kontra hinihinalang miyembro ng Dawlah Islamiyah–Hassan Group (DI-HG) sa dalawang magkahiwalay na engkwentro sa bayan ng Mamasapano, Maguindanao del Sur kahapon, June 5, bilang bahagi ng pinaigting na operasyon ng militar laban sa teroristang grupo sa rehiyon.

Ayon kay Lt. Col. Ronald E. Suscano, tagapagsalita ng 6th Infantry “Kampilan” Division, nagpapatuloy pa rin ang pursuit operations ng 601st Infantry Brigade laban sa tumakas na mga suspek.

Walang naitalang nasawi o nasugatan sa panig ng militar at maging sa hanay ng mga armadong grupo sa dalawang magkahiwalay na engkwentro.

Samantala, nakarekober ang mga tropa ng pamahalaan ng matataas na kalibre ng armas, kabilang ang isang M16A1 rifle na may apat na long magazine at isang M14 rifle na may apat ding magazine.

Sa kabuuan, tatlong high-powered firearms ang nabawi ng militar mula sa dalawang magkahiwalay na operasyon sa lugar.