Napatunayan na ng narekober na video ang direktang pagkakasangkot ng Dawlah Islamiyah-Maute Group (DI-MG) sa pananambang sa mga tropa ng pamahalaan sa Munai, Lanao del Norte noong Enero 23, 2026.
Ayon sa 1st Infantry “Tabak” Division ng Philippine Army, ang mga miyembro ng Maute Group na napatay sa isinagawang law enforcement operation sa Marantao, Lanao del Sur noong Abril 17 ay siya ring mga armadong sangkot sa pag-atake sa mga sundalo sa Barangay Lininding, Munai.
Kinumpirma ito sa pamamagitan ng validated intelligence reports at forensic examination ng mga nakuhang ebidensya, kabilang ang isang video na narekober mula sa cellphone ng isang babaeng kasapi ng Maute Group na nasawi sa naturang operasyon.
Sa naturang video, malinaw umanong makikita ang aktwal na partisipasyon ng mga na-neutralisang miyembro ng grupo sa ambush, na lalo pang nagpatibay sa kanilang pagkakakilanlan at pananagutan sa insidente.
Ayon kay Major General Yegor Rey P. Barroquillo Jr., Commander ng 1st Infantry Division, nagsisilbing mahalagang patunay ang video na naibigay na ang hustisya para sa mga sundalong nasawi sa naturang pag-atake.
Binigyang-diin din niya na ang operasyon ay lehitimo, isinagawa alinsunod sa rules of engagement, at nakatuon lamang sa mga lehitimong target.
Muli namang tiniyak ng Philippine Army na ang kanilang mga operasyon ay nakabatay sa masusing intelligence gathering at target validation upang matiyak ang kaligtasan ng mga sibilyan, habang patuloy na iginagalang ang karapatang pantao at ang mga alituntunin ng International Humanitarian Law sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa Lanao.

















